MABUHAY KA FILIPINO!

Sa araw araw na daloy ng buhay dito sa napakalamig na lugar na kung tawagin ay Canada, dito mo binuo ang iyong mga pangarap. Nasa Pilipinas ka pa lang, malamang ay nagaaral ka pa lang sa kolehiyo, o di kaya naman  ay nagtatrabaho na bilang isang “call centre agent” , “medical transcriptionist”, “nurse”, o guro sa atin ay nangarap ka na at nabanggit mo ng “balang araw mararating din kita Canada”.

Napakaraming mga araw at buwan ang iyong ginugol upang mabuo mo ang propesyonal na karanasan hinihiling sa iyong mga requirements. Marahil ay isa ka sa mga nagaral pa ng espesyal na programa sa atin na “caregiver course” upang magkaroon ka ng angkop na pagaaral para sa isa sa mga natatanging propesyon na laganap at nabalitaan mong kailangan nila sa Canada. Pera, panahon, pagod, at puyat. Sa wakas ang  iyong mga sakripisyo ay matutumbasan na. Pagkat matapos ang buwan o taon ng pagsusumikap at paghihintay, narito na ang iyong “Canadian Visa”.

Sa unang tapak ng iyong mga paa sa bansang binansagan ding “Great white north”, animoy natupad na ang lahat mong hiling o marahil, ganap na ang iyong kumpiyansa na dito ay matutupad mo ng lahat ang iyong matagal ng pinapangarap para sa iyo at sa mahal na pamilya. Narito na ang sagot sa iyong mga suliranin noong ika’y nasa Pilipinas pa.

Kung ikaw ay nakasapit dito bilang isang “skilled worker”, ay malaya ka ng makakhanap ng anumang hanapbuhay na iyong naisin. Batid mong hindi pala uubra ang anumang kurso na iginapang ng iyong mga magulang na natapos mo sa atin, pagkat dito sa Canada ay kailangan mo pang “mag upgrade” upang magamit mo ang iyong pinagaralan. Sa ngayon ay kailangan mong ipagsabay ang panibagong pagaaral at paghahanapbuhay upang may magugol ka sa iyong mga pang araw araw na gastusin. Pansamantala ay sa factory o  fastfood  o di kaya ay sa food court na muna ang iyong panimula. Ngunit di ka pa rin bumibitaw na aahon ka mula rito matapos ang iyong pagaaral upang makahanap ka na ng tamang propesyon para sa iyong napagaralan.

Kung ikaw naman ay narito bilang isang “caregiver”, ikaw ay tutuloy na sa bahay ng iyong employer. Kung ikaw ay nakapagtrabaho na sa ibayong dagat, mayaman ka na sa karanasan sa pakikisama sa mga iba’t ibang lahi at ito ay isa lamang sa mga ordinaryong bagay na likas na sa iyong mga abilidad at kakayahan. Marunong ka ng mag Ingles at alam mo na ang panuntunan sa mga gawain sa loob ng sambahayang iyong paglilingkuran. Kung ikaw naman ay isang “first timer”, ang kaba sa iyong dibdib ay tila dumadaga sa iyong kumpiyansa sa sarili. Ikaw ay magsisilbi bilang tagapangalaga ng anak o magulang ng iyong employer. Araw araw mong bibigkasin ang mga salitang Ingles bilang iyong wika sa pakikipagusap sa iyong mga employers at mga alaga.

Ito na ang iyong realidad. Sa araw araw  ng iyong buhay, ikaw ay tila naagos na sa direksyon na kailangan mong mabuhay at may mga pamilyang umaasa sa iyong tagumpay dito. Ibayong pakikisama, pagkocommute sa ulan, init, at “snow”, minsan pa nga ay kailangang mag double job upang makatawid sa araw araw. Sa kabila ng pagkabagot, pagod, at ibayong lungkot na mawalay sa iyong pamilya sa Pilipinas, ikaw ay patuloy na nagsasakit. Nagsasakripisyo ng maraming oras at panahon. May mga araw na ikaw ay halos magkasakit na dala ng pagod at pagkalipas ng gutom. Halos gawin mo ng araw ang gabi at gabi ang araw. Ngunit matapang ka, tiniis at kinaya mo…para sa pangarap, para sa pamilya.

Dito nasusukat ang galing na sadyang natural sa ating mga Plipino. Magaling sa pakikisama at mabilis ang talastas ng isip at tila  walang trabahong hindi kayang gawin. Mataas ang antas ng kakayahan kung kaya’t madalas ay pinapaboran ng mga kumpanya na maging trabahador ang mga Pilipino. Malinis ang gawa, laging nasa oras, hindi palaaway, masunurin sa mga tuntunin sa trabaho, matiisin, mahusay. Ikaw ang pagasa ng iyong pamilya kung kaya’t ikaw ay nagpupursige na matupad mo iyong mga pinapangarap. Mabuti ang iyong kalooban pagkat mas inuuna mo ang kapakanan ng iba kaysa sa iyong sarili. Napakatayog pa sana ng nais mong abutin, ngunit minsan, ikaw ay tila nasasanay na sa usad ng iyong buhay na tila hanggang dito na lamang ba talaga? Kumikita ka ng sapat, malaya mong nagagawa ang iyong mga nais. Ngunit ito na ba talaga ang hangganan? Ito ba ang buhay na nasa iyong mga guniguni noong ikaw ay nasa Pilipinas pa? Sabi mo noon, ito ay panimula lamang, at ika’y aahon. Sa libo libong Canadian dollara na naipadala mo na sa Pilipinas, alam ba nila ang mga oras na iginapang mo habang ika’y naninilbihan sa isang trabaho na malayo sa inasahan mo noong naroon ka pa sa atin? Sadyang mababa ang loob nating mga Pilipino. Magagalang. Minsan ay mayroon tayong mga iniinda o saloobin ukol sa ating mga hanap buhay ngunit madalas ay isinasantabi na lang natin o di kaya ay hindi na lang bibigyan ng pansin, pagkat saganang ating mga sarili, sayang ang oras o kaya naman ay hindi makakatulong ang mga ganitong isipanin sa paghahanap ng ipapadala sa Pilipinas. 

Ito marahil ang isa sa mga pinakamatinding dahilan kung bakit sa kabila ng galing at husay nating mga Pilipino ay hindi tayo nabibigyan ng mga oportunudad na magpapalawig sa ating mga karera dito sa bayang ito. Bagaman alam nating tayo ay may kakayahang makipagtagisan at may sapat na pinag aralan,  tayo ay sadyang mahiyain sa ibang lahi o may lubos na konsiderasyon para sa iba na mga katangiang katutubo sa atin. Kung kaya’t sa paglipas ng mga taon, hindi natin namamalayan na ang ating mundong ginagalawan lima o sampung taon na ang nakakaraan mula nang unang sapit mo sa Canada ay kapareho pa rin sa mga sandaling ito.

Iba’t iba ang ating mga prioridad at dahilan kung bakit kuntento o mainam na ang ating kasalukuyang sitwasyon. Madaling mapawi ang ating mga lungkot at kabiguan kapag narinig na natin ang boses ng ating pamilya sa kabilang linya, kapag nakita na natin ang kanilang mga ngiti sa Skype, kapag sila ay nagsimula ng magpasalamat sa iyong naipadala pagkat nabili na nila ang pinapangarap lamang nila dati sa tindahan. Ito ang lubos na katuparan ng ating mga pangarap. Ang katuparan ng kanila ay sa atin din. Wagas na pagibig para sa ating mga mahal sa buhay ang siyang naguudyok sa atin sa bawat umaga upang tayo ay muling bumangon at makipagsapalaran.

Matapang ka Pilipino. Mahusay at may angking galing. Higit sa lahat, nagaalab ang pagmamahal sa iyong puso kung kaya’t sa kabila ng labis na hirap at ibayong sakripisyo sa puyat, pagod, at matinding lamig ay nagpapatuloy ka sa iyong laban. Batid mong may higit pang pangarap ang dapat mong tuparin maliban sa iyo, at ito ay ang pangrap mong maihon ang iyong pamilya bago pa man ang iyong sarili. Sana lamang ay huwang mong kalilimutang bigyan ng pagpapahalaga ang iyong sarili. Pagkat tulad mo na sa kanila ka kumukuha ng inspirasyon upang magpatuloy sa buhay, sa iyo naman nakasandal ang pangarap ng iyong mga mahal sa buhay. Sa iyo rin sila humuhugot ng kalakasan, na matiis ang inyong pagkakawalay sa isa’t isa para sa mas maayos na kalagayan sa buhay. 

Sa mga darating na panahon, alam mong nais mo na rin silang makasama. Kung kaya’t ikaw ay gumugugol na maramaming araw sa bansang ito upang maging sapat ang kailangan panahon upang makarating din dito ang iyong magulang, asawa, o mga anak. Sa wakas doon ay mapapawi na ang iyong pangungulila at pananabik, mayayakap mo silang muli ng isa isa at masasabi mo na sa iyong sarili na ito ang lahat ng naging katumbas ng iyong mga pagpupunyagi, upang makasama sila sa bandang huli.

Napakarami pang mga magagandang bagay ang nakalaan para sa atin sa bansang ito. Sa dami ng kayang gawin ng Pilipino, sa talino at pang world class na talento na maiaalay natin sa ating mga trabaho, hindi na rin masama ang maging kabahagi ka ng tagumpay ng iyong pinapasukan – maging ito ay sa loob man ng isang sambahayan o sa isang malaking gusali ng isang kumpanya. Kaya patuloy ka lang mangarap. Palawigin mo pa ang iyong mga karanasan upang mas maging angkop pa sa mga darating mong pagsubok sa buhay. Likas ang katatagan ng Pilipino, mahirap wasakin. Kung mabali man minsan, hindi ito dahil sa marupok ka bagkus ay nasasagad lang sa daluyong ng buhay. Ngunit mabilis ka ring makabawi. Matayog ang paniniwala mo sa katuparan ng iyong mga mithiin na alam mong dito sa Canada mo lahat magagawa. Patuloy mong ilaban ang iyong mga pangarap. Habang ikaw ay laging naninindigan sa katuwiran ang lahat ng iyong sakit may kaakibat na tamang kabayaran. Huwag kang susuko sa iyong mga pangarap.  Isa kang tunay na bayani sa makabagong panahon. Wagas ang iyong pagibig. Dalisay ang iyong hangarin. Nawa ay marami ka pag mga tagumpay na aanihin. Saludo ako sa iyo. Mabuhay ka Pilipino! •