Dito sa malayong kanluran ay nakipagsapalaran ka upang hanapin ang iyong sulok na nakatakda sa ilalim ng araw…upang buuin ang iyong bukas.
Sa marami sa atin ay nauna na ang ating mga lolo at lola o ang ating mga magulang at marahil ay kayong mga nasa pangatlo o pangapat ng henerasyon ng mga Pilipinong nangibang bayan dito sa Canada, ay walang bahid ng kamalayan kung paano nga ba ang maging isang Pilipino? Ang iyong mga tradisyon at kulturang kinagisnan marahil ay “Canadianized Filipino” na magkahalo o “fusion” ng dalawang magkaibang lahi.
Piko, siyato, monkey-monkey, langit-lupa, tagutaguan sa ilalim ng maliwanag na buwan, sipa, luksong tinik at luksong baboy, “inch”, kasal-kasalan, doctor quack quack ay ilan lamang sa mga larong ating kinagisnan bago tayo napadpad sa bansang ito. Alala mo ba ang maalinsangan na tanghaling tapat kung saan ay tatawagin mo ang iyong mga kalaro sa kabilang bahay upang angkinin ninyo ang bahagi ng kalsada para sa inyong mga tumbang preso at wrestling ng inyong mga gagamba na nakasilid sa kahon ng mga posporo? Eh ang mga tansan ng paborito niyong “softdrinks” at papel ng sigarilyo na siyang gamit natin sa pera perahan? Bahagi ng ating kabataan ang siyang masasayang larong pinoy na pinoy naman talaga, na tipong kahit dugyot at pawis na pawis kana at nasigaw na ang iyong inang sa kanto hanap ka at kakain na daw ay bakas sa iyong mukha ang walang katumbas na saya na siyang bakas at tanda ng iyong pagkabata.
Bagyo at baha, sa signal number 2 pa lang ay wala ng pasok sa elementarya kung kaya’t magtatampisaw at makikipagtalastasan ka sa patak ng malakas na ulan, hahabulin ang iyong mga kalaro at kaibigan habang basang basa pa ang ating mga kamiseta at pantalon. Kung magkaminsan ay ang daloy ng mga kalamidad ay paisa o kaya naman ay sabay sabay, nariyang tumataas ang gas at maya maya nga ay sunod na ang mga bilihin sa palengke, kulang ang ani, mataas ang singil sa kuryente, tumaas din ang pamasahe – mga prublemang kinaharap natin o ng ating mga magulang na siyang pumawi sa ating paniniwala sa ating sariling kakayahan…kung kaya’t bugso at tulak ng matitinding pagsubok sa ating inang bayan, kinailangan natin humanap ng solusyon na akala natin ay dito, dito lamang sa banyagang lugar na ito matatagpuan. Isunuko natin ang ating pagasa at pinatigas ng daluyong ng buhay ang ating puso. Bitbit ang ating masayang nakaraan, mga alaala ng ating kabataan noong ang buhay ay pawang simple at payak lamang, ang masaklap nating kasalukuyan, tumulak tayo patungong ibayong dagat upang dito ay humarap ng parehong hirap din naman pala, yun nga lamang ay may kaakibat na pangako ng kaginhawaan at pagbawi sa mga bagay na nawala sa atin dulot ng kahirapan sa Pinas, o dili kaya’y abutin ang mga pangarap na natengga sa ating sariling bayan.
Saan at ano ka na ngayon kabayan? Sana ay naangkin at naabot mo ang ilan man lang sa dahilan ng iyong paglisan. Kay saklap na kinailangan nating makihalubilo sa isang banyagang lupain upang ipagpatuloy ang daluyong ng buhay. Nawa ay maginhawa ang iyong buhay at maayos ang kalagayan ng iyong pamilya. Maging sila man ay naroon pa rin sa prubinsiya o kaya naman ay kasama mo na rito.
Ang kagalingan natin sa pakikisama at pag agapay sa kultura dito sa bansang ito na siyang kumupkop at nagbigay pagasa sa katuparan ng ating mga pangarap ang siyang dahilan kung bakit tayo ay patuloy na nagtataguyod. Matibay ang dibdib, malakas ang loob, mahusay sa trabaho, malalim ang pananampalataya sa Maykapal, wagas ang pagibig para sa pamilya – kung kaya tayo ay nakapagtitiis, kung bakit natin nalagpasan ang lahat ng iba sa bansang ito mula sa ating buhay na nakasanayan at nakagisnan sa Pilipinas.
Kaysarap lamang gunitain ng nakaraan. Noong ang buhay ay simple at kahit sabihin pa nilang tayo ay isang kahig isang tuka, batid natin na may puwang pa rin sa ating puso ang “sana”…sana ay balang araw makapagretiro pa rin ako sa Pinas…sana ay makauwi naman ako sa susunod na taon..sana ay hindi na lang ako umalis…sana ay makatapak akong muli sa aking bayang sinilinga. Sana.
Nawa’y ang iyong gunita ay manatiling sariwa sa ngalan ng iyong pundasyon bilang isang tunay na Pilipino. Maaring tayo ay kaagapay na ng Canada sa ngayon at tunay naman at hindi maitatanggi ang ating naging pakinabang sa mapagkupkop na bansang ito, ngunit huwag mo sanang lilimutin ang iyong pinagmulan, ang ugat ng iyong pagkatao at kamalayan, doon na mula sa malayong silangan.
Mabuhay ka Pilipino!
Isinulat ni MARIA GARCIA